Sunday, December 14, 2014

WOW Mali: Maling-maling holdapan


            Kilala na ng halos lahat sa atin ang programa ni Joey De Leon sa TV5 na Wow Mali. At alam din natin na layunin ng programang ito ang magpatawa. Ngunit paano kung hindi na pala nakakatawa ang mga ginagawa nila at lampas na ito sa linya ng ‘comedy’.

            Sa isang ‘prank’ na ginawa ng Wow Mali na pinamagatang ‘Magalang na Holdaper’ at muling na-publish sa Youtube noong July 12, 2014, pinapakita ang isang holdaper na magalang raw.

            Ang ‘nakawan’ ay naganap sa loob ng isang pampasaherong jeep at bago ito magsimula ay may isang reporter na parang nagbreaking news sa kalsada dahil nga raw sa napapabalitang may ‘magalang na holdaper’ sa loob ng isang jeep.

            Nang magsimula na ang ‘pagnanakaw’ ni kuyang ‘holdaper,’ nagpakilala muna siya nang magalang at sinabing siya ay isang ‘masamang tao’ na ang layunin ay pagnakawan ang mga pasahero. Saka niya hinigi ang mga cellphone at wallet ng mga ito sa ‘magalang’ na paraan. Bakas sa mukha ng mga pasahero ang pagkagulat. Ngunit nang sinabi pa ni kuya na kung ayaw naman nilang ibigay ang mga pag-aari nila ay pwede rin naman, naguluhan ang mga pasahero at tila naiirita na sa kinikilos at mga pinagsasabi ni kuyang holdaper.

            Bago ibigay ng lahat ng pasahero ang mga gamit nila, nagpakilala naman ang isang pasahero bilang isang ‘alagad ng batas’ (na mahahalata ng mga manunuod na kasabwat din) at sumuko naman nang maayos si kuyang ‘magalang na holdaper’ saka sila sabay na bumaba ng jeep.

            Dumating ulit si ateng ‘reporter’ at pumwesto sa likuran ng jeep na nakahinto na at nagsimula muling magbalita. Nagtanong siya sa mga pasahero kung sino ang pwedeng ma-interview. At tinanong kung kamusta naman ang mga nangyari. Sagot naman ng mga na-interview, mabuti raw ang holdapan na naganap bilang naging ‘magalang’ naman ang holdaper, hindi gumamit ng dahas at walang armas. Sa pagkakataong ito, hinayaan niya na purihin ng mga pasahero ang gawain ng holdaper.

            Nang makapanayam din ni ateng reporter ang isang lolang pasahero, tinanong nito kung mas gugustuhin ni lola ang holdaper na magalang sumagot naman ito ng ‘oo’ at saka nanawagan si lola sa mga holdaper na sana raw maging magalang at mahinahon kapag nang-hoholdap.


            Ang video na ito ng Wow Mali ay mistulang promotion ng pagnanakaw. Pinarating nila sa mga tao na okay lang magnakaw basta hindi ka mananakit ng iba at maging magalang. Ako, sa totoo lang, ay hindi natawa. Nairita ako sa mga pangyayari kasi sino ba naman ang magbibiro gamit ang holdapan. Paano na lamang kung may pasaherong may sakit pala sa puso at inatake? At ang paggamit  nila ng isang reporter-kuno sa simula at huling bahagi ng ‘prank’ ay hindi tama, dahil ako mismo nung una ko itong makita akala ko ay may breaking news talaga. Bukod doon, maling mali talaga ang pagpupuring ginawa nila sa isang holdaper. 

2012-49508 (1)

No comments:

Post a Comment