Monday, December 15, 2014

Ang 'Ten Kumainments'

       Noong Oktubre, inilunsad ng Department of Health - National Nutrition Council ang kanilang patalastas na "Ten Kumainments." Ito ay para sa kanilang kampanya sa pagtaguyod ng tamang nutrisyon at tamang pag-aalaga sa kalusugan ng mga Pilipino. Sa patalastas, ipinakita ang pag-abot ni Mang Moi sa mga tao ng dalawang malaking tinapay kung saan nakasulat ang Ten Kumainments.

Para sa akin, maganda naman ang mensahe ng kanilang kampanya dahil kahit papaano ay nakakapagbigay sila ng ilang mga paalala tungkol sa pagbibigay halaga sa kalusugan ng mga tao. Sa pagpapalabas ng kampanyang ito ay nakatanggap sila ng mga magandang reaksyon galing sa maraming tao. Ngunit may mga ilang tao pa rin na nagsasabing may mali ang panggamit nila isang maka-Diyos na paniniwala.

Iba't ibang negatibong reaksyon ang natanggap nito. Sabi ng ilan, hindi raw nito nirerespeto ang paniniwala ng mga Katoliko. May nagkumento rin sa isang post sa Facebook na parang pinapalitan na raw nito yung totoong sampung utos. May mga nagsabi rin na huwag dapat natin biruin ang salita ng Diyos dahil ito ay sagrado. Hindi raw ito magandang gamitin para sa kung ano man na wala namang kinalaman sa ispirituwal na mga usapin.

Hindi naman sa sinasabi kong nabastos nito ang totoong Ten Commandments. Naiintindihan ko naman na nais lang paalalahanan ng DOH ang mga tao sa magandang paraan at hindi nila sinasadyang magkaroon tayo ng ibang ideya sa paggamit nila ng konseptong iyon. Sa tingin ko, wala naman talaga itong sinabi na kahit anong masama tungkol doon. Pero sana, ang ginawa na lang dapat ng DOH ay mag-isip ng ibang konsepto dahil marami pa namang ibang ideya na pwede nilang gamitin kung saan hindi na nila kakailanganing gumamit ng isang konseptong panrelihiyon.


2012-33633 (2)

No comments:

Post a Comment