Sunday, December 7, 2014

Two Wives, Too Much

Pangalan pa lang ng programa, may problema na. Para bang nagdudulot ito ng masidhing imahinasyon kung tungkol saan ba ito. Oo, nakakakuha ito ng atensyon, pero etikal ba na ipalabas ang ganitong mga programa?

Ipinalalabas tuwing alas-nuebe ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes ang programang “Two Wives” na pinagbibidahan nina Erich Gonzales, Kaye Abad at Jason Abalos. Matatandaang pumatok sa mga manonood ang mga programang may temang agawan ng asawa. At sa ngayon, patuloy pa rin ang pagpapalabas ng mga estasyon ng ganitong mga tema. Maraming dapat isaalang-alang kung gagawa o magpapalabas ng ganitong mga programa.

Napakasensitibo para sa akin ng mga ganitong tema ng palabas. Higit pa rito ay nagbubukas ito ng isang malaking tanong sa mga manonood. Ano ba talaga ang tama? Tama ba na gawin ang lahat para sa pag-ibig kahit na mali na ito? Ang tema ng programang “Two Wives” ay tungkol sa relasyon ng isang babaeng na-inlove sa lalaking may asawa na.


“Kabit”, naging matunog ang salitang ito matapos ipalabas ang mga pelikulang No Other Woman, A Secret Affair at marami pang iba. Ngunit malinaw na naipahayag sa dulo ng mga pelikulang ito na kahit kailan ay walang magandang kahahantungan ang pagiging kabit. Papasok na rin dito ang katatapos lamang na palabas na The Legal Wife kung saan parehong tema ang iprinesenta. Naging malinaw naman sa dulo ng mga palabas na ito na hindi tanggap ng lipunan ang pakikiapid sa may asawa. Ngunit hindi kaya dahil sa paulit-ulit na pagpapalabas ng mga ganitong programa ay maging bukas ang mga taong nakakapanood sa mga ito sa ganitong klase ng relasyon?

“Two Wives”, kung ipapasa-korte ay mapapatawan ka ng kasong Bigamy. Maling-mali ito dahil sa Pilipinas, hindi pinapayagan ang Bigamy maliban sa mga Muslim at iba pang relihiyon. Hindi ba’t titulo pa lang ng programa ay mali na? Bakit pa ito ipapalabas? Para ipakita sa mga tao na mali ito? Oo, maaaring isang dahilan ‘yun. Pero bakit kailangang ulit-ulitin pa? 

       Nilalabag ng programang ito ang Article 24 Section 1 ng KBP Broadcast Code (CRIME AND VIOLENCE - Crime and violence and other acts of wrongdoing or injustice shall not be presented as good or attractive or beyond retribution, correction or reform) kung saan nagsasabing hindi dapat tinuturuan ang mga manonood na gawin ang mali. Isa itong paglabag hindi lamang sa Code of Ethics kundi sa Sampung Utos ng Diyos. Bawal maki-apid. Sa palabas na ito, kitang-kita kung paano magtaksil ang lalaki sa kanyang asawa habang kasama nito ang kanyang kabit. Tinuturuan nito ang manonood kung anu-ano ang mga pwedeng gawin ng lalaki para maitago ang kanyang kabit sa kanyang tunay na asawa.

        Ipinapakita rin sa palabas na ito kung paanong ang dating kabit ay siyang naging babaeng pumalit sa asawa noong sila’y naghiwalay na. Na ang kabit ang nagwagi dahil napaghiwalay niya ang mag-asawa. Tinuturuan ng programang ito ang mga babaeng nasa ganitong sitwasyon kung paanong mapaghihiwalay ang mag-asawa.

       Maaaring magandang ipalabas ito upang turuan ang mga manonood - turuan ang mga babaeng lumaban para sa kani-kanilang mga asawa. Pero sapat na siguro ang dalawa o tatlong programa. Hindi na kailangang ulit-ulitin pa ito dahil sa paulit-ulit na pagpapalabas dito, mas nakukunsinte ang mga manonood na gawin ito.


2012-67513 (2)

No comments:

Post a Comment