Tuesday, December 16, 2014

Get Real Philippines: Pagiging Hindi Patas Para sa Layuning Matalinong Pagboto

Ang video na ito na napanuod ko sa Youtube ay naglalayong maging mapagmatyag ang mga botante noong nakaraang 2010 eleksyon para sa pagkapresidente. Dahil sa seryosong topic na nakapaloob sa video at sa graphics ng screen ay aakalain ng isang pangkaraniwang mamamayan na news ito kahit pa ito ay animated.

Maganda ang hangarin ng naturang video subalit hindi kaaya-aya ang pagpapangalan sa mga kandidatong halimbawa nito ng hindi karapatdapat sa posisyon ng pagkapresidente. Una, sinabi ng “reporter” sa video na ang media exposure ng mga kandidato ay paraan nila ng pambobola at hindi lamang para mangampanya. Kaya naman, ang mga kandidatong may pambayad sa advertisement ang laging nangunguna sa mga binoboto ng publiko. Nabanggit din sa video ang patuloy na pagkakaroon ng political dynasty kung saan ipinapasa sa kamag-anak ng mga politiko ang posisyon para hindi mawala ang kanilang mga koneksyon. Pati ang pagtitiwala ng mga botante sa mga kandidatong dating artista ay binatikos din. Nasabi sa video na wala raw kakayahan ang mga artista sa pagpapatakbo ng bansa.

Matalinong mungkahi ang ibinigay sa video na magkaroon ng criteria o panuntunan sa pagpili at pagboto ng isang kandidato. Nasabi dito na kailangan natin ng presidenteng may matatatag na pamumuno, kongkretong plano kung paano niya mapapalakad ang bansa, integridad laban sa pangungurakot at pandaraya, sapat na kaalaman para maglunsad ng mga proyektong kailangan sa pag-unlad, at abilidad sa pakikipagkomunikasyon sa iba pang bansa tungkol sa siguridad at ekonomiya ng ating bansa.

Ang kampanyang ito ng website na www.GETREALPHILIPPINES.COM, ayon na  rin sa video, ay ginawa upang hindi maging beauty contest ang election at para maging matalino sa pagpili ang lahat ng mamamayang maaaring makapanood ng nasabing video. Nasabi rin dito na hindi na maganda ang lagay ng ating kalikasan kaya dapat na magbawas ng populasyon upang maging mas magaan ang pamumuhay ng mga susunod na henerasyon na hindi na dapat makakalanghap ng ganitong klase ng polusyon.

Kung ako ang tatanungin, napakaganda sana ganitong klase ng pagbibigay kaalaman sa masa ngunit mas magiging maganda at patas pa sana kung hindi pinangalanan ang mga nasabing pulitiko. Kung ako ang gagawa ng hawig sa ganitong klase ng pagpapayag na may kaparehong layunin, pipiliin kong hindi pangalanan ang mga kandidato at hindi gawing news format ang kabuuan nito. Malinaw dapat sa lahat ng makakapanood ng video na isang paalala o advisory at hindi balita ang video upang hindi magdulot ng pagkalito o pagmumukhang paninira sa mga nabanggit na kandidato para maging patas sa lahat ng kandidato. Maaari din namang kunan ng komento ang mga nabanggit na kandidato sa mga aligasyon patungkol sa kanila kung news at hindi advisory ang ipapahayag sa video na ito.

2012-51417 (2)















No comments:

Post a Comment