Sunday, December 14, 2014

Anne-laswa at Anne-insensitibo ng Remate

            Kamakailan lamang ay nabulabog ang tanyag na networking site na Twitter, lalo na ang mga 6.8 na milyon na followers ni Anne Curtis, sa isang tweet umano ng artista. Laman ng tweet niya ang “Ngayon ko lang na-realize sobrang gwapo ni (Luis) Manzano! he is sooooooo hot.”

            Sa huli ay binawi din ito ng artista at sinabi na na-hack daw ang kanyang Twitter account.

        Kung sa totoo lang, hindi naman ito isang malaki bagay, ngunit dahil sa paraan ng pagbabalita ng Remate, isang tanyag na tabloid sa bansa, ay hindi maiiwasang bigyan ito ng pansin. Sa ulat ng Remate sa kanilang website noong ika-5 ng Disyembre, nakasulat ang headline na “Anne Curtis may pagnanasa kay Luis Manzano.” Kilala umano ang mga tabloid sa mga hindi kanais-nais na paglalahad ng balita, ngunit ang partikular na ulat na ito ay nasa ibang lebel na ng kalaswaan.

         Maaari nating sabihin na nagawa ito ng Remate upang makatawag pansin ng kanilang mga mambabasa. Kung ito man ang kanilang pakay, matagumpay nga sapagkat nakakatawag nga ng pansin ito sa kung sino mang mata’y naibaling sa headline na ito. Ngunit, napakamali nitong ginawa ng Remate sa napakaraming paraan.

         Unang-una, napaka-insensitibo ang kanilang paraan upang maipalam sa publiko ang nasabing insidente. Nakasalalay rito hindi lang isa, kundi dalawang tanyag na aktor, lalo na si Anne Curtis. Sa kanyang twitter account pa lang ay nakapagtala na siya ng 6.8M na followers. Hindi pa nabibilang diyan ang kanyang mga taga-hanga na walang account sa nasabing networking site. Kung nabasa man ito ng kanyang mga taga-hanga ay posibleng bumaba ang tingin nila sa nasabing aktres. Hindi lang kanyang mga taga-hanga ang mandidiri, kung hindi sa kung sino man siguro ang makabasa rito. Sa tingin ko, hindi umano isinaalang-alang ng Remate ang kapakanan at dignidad ni Anne sa ginawa nitong balita.

         Pangalawa, hindi lang ito insensitibo sa panig ni Anne, kundi pati sa mga mambabasa ng naturang balita. Ating tatandaan na ang report na ito nakahayag sa Internet na kung saan ay maraming tao, lalung-lalo na ang mga kabataan. Posibleng mabasa ng mga ito ang sensitibong pahayag ng Remate ukol sa artista. Ating tandaan na ang mga kabataan umano ay natututo sa mga bagay bagay na kanilang nakikita, at kung mabasa man nila ito, ay maaaring makaapekto ito sa kanila sa isang negatibong paraan.

         Pangatlo, hindi lang ito nakakaepkto kay Anne, kundi pati sa kaniyang pamilya at ang kanyang istasyon, ABS-CBN. Hindi malabong mainis o sumama ang loob ng kaniyang pamilya sa tabloid dahil sa hindi kanais-nais na pagpapahayag nito ng balita. Maaari ding makaapekto ito sa hanapbuhay ni Anne bilang artista. Puwedeng bumaba ang mga ratings ng kaniyang mga show o mawalan ito ng gig.

            Hindi kapani-paniwala na hinayaan ng editor ng Remate na mai-publish ito sa kanilang website o dyaryo. Napakamali at napakalayo ng mensahe ng headline mula sa balita. Taliwas ito sa saysay ng buong istorya.

           Hindi dapat hinahayaang mangyari ang ganitong mga bagay. Dapat inihayag ng Remate ang katotohanan at hindi kalokohan. Mas mabuti na idiretso nila ang mga mambabasa sa balita at hindi pa nila ito lituhin. Huwag dapat nilang balewalain ang mga inilathalang code of ethics bilang mga journalist o mamamahayag.


             Hindi ko masasabing taga-hanga ako ni Anne Curtis, pero bilang isang tao, alam ko kung ano ang kanyang mararamdaman. Kung minsan ay mas inuuna pa ng mga ng ilan ang kagustuhan nilang kumita kaysa sa kapakanan ng iba. Bilang isang journalist, trabaho nating ipahayag ang katotohanan sa mamamayan at hindi sila linlangin sa isang bagay na wala namang katotohanan.


2012-40071 (2)

No comments:

Post a Comment