Sunday, December 14, 2014

Argumentum ad hominem?

T3 Reload June 30, 2014 Episode

       Maaaring may magandang intensyon nga si Raffy Tulfo, ang tumulong sa mga mamamayang inaapi't tinatapakan ng mga nakatataas. Subalit hindi yata tama ang pamamaraan niya sa pagtulong at pagtatama ng mga pagkakamali ng mga inirereklamo. Sabihin na nating may pagkakamali ang isang SPO3, pero kailangan bang hiyain ang isang tao sa telebisyon? Kailangan bang tawagin siyang "buwaya," "unggoy," "tanga," at "pinakawalang hiyang pulis?" Kailangan bang pagtawanan siya sa harap ng maraming tao?

       Kitang-kita kung paano nilabag ni Tulfo ang Article IV, Section 1 and 2 ng KBP Broadcast Code: "Personal attacks, that is, attacks on the honesty, integrity, or personal qualities of an identified person, institution or group, on matters that have no bearing on the public interest are prohibited. Programs intended to malign, unfairly criticize or attack a person, natural or juridical, are prohibited."

       Higit pa riyan, si Tulfo ay isang reporter; hindi niya dapat inilalagay sa mga kamay niya ang batas. Sino ba siya para makialam pa sa ganoong klaseng sigalot na namamagitan sa isang amo't trabahador gayong napag-usapan na pala ito sa barangay? Sino ba siya para lantarang ipamukha sa amo ang mga pagkakamali niya? Sino ba siya para gumamit ng kapangyarihan bilang isang "media personnel" sa maling pamamaraan?

       Bilang "public figure," hindi ba dapat siya ang nagsisilbing modelo ng tamang pakikipag-usap sa mga manonood? Pero bakit siya pa ang nangunguna sa pagtataas ng boses at paninigaw sa kausap nang dahil lang hindi niya narinig ang gusto niyang marinig na sagot? Bakit parang hinahayaan lang niya 'yong "complainant" na sabihan ng kung anu-anong mga salitang nakakabastos sa pagkatao nung inirereklamo? Bakit niya pa tinatawanan samantalang alam naman niyang maling i-tolerate ang pagkakamali ng ibang tao? Bakit siya pa mismo ang bumabastos sa taong pumayag na makausap siya?

       Hindi man lang ba niya naisip na maaaring mapanood ito ng karamihan, lalo na ng mga kabataan, at baka isipin nilang ayos lang na gawin ito sa iba... ayos lang sigawan ang mga taong nagkamali... ayos lang hindi patapusing magsalita ang ibang tao dahil mali lang din naman 'yong mga sinasabi nila... at ayos lang tawagin ng kung anu-ano ang ibang tao dahil sila naman ang nagkamali.

       Maaaring nagkamali nga 'yong tao, pero sana naman irespeto pa rin sila kahit bilang tao man lang. Karapatan din naman nilang ipahayag 'yong mga opinyon at saloobin nila para maayos nilang ma-explain 'yong side nila. Karapatan din nilang mapakinggan ng may kasamang respeto at pag-intindi. Kaya dapat kahit nagkamali sila, huwag pa rin silang basta-bastang hinuhusgahan.

       Hindi dahil  mukhang aping-api 'yong "complainant," siya na agad ang tama at dapat panigan. Dapat maging patas si Tulfo, hindi 'yong parang sinusuportahan pa niya 'yong "complainant" kahit nakakabastos na 'yong sinasabi.

       Paano kung wala naman pala talagang kasalanan 'yong pulis, ano pang mukha ang ihaharap niya sa publiko gayong sirang-sira na ang pangalan niya. Sana isipin din ng sinumang mamamahayag na may pangalan ding pinangangalagaan 'yong pulis at anumang akusasyong ibato sa kanya ay maaaring makaapekto sa kanya at maging sa pamilya niya.

       Kung ako si Tulfo, kakausapin ko na lang sila nang maayos at masinsinan nang hindi na kinakailangan pang ipalabas sa telebisyon. Dahil kung tutuusin, hindi naman ganoon kalaki 'yong problema... pero nang dahil sa panunulsol niya, parang mas lumaki 'yong isyu.

       Ang mga bagay na ganoon, hindi naman na dapat pinakikialamanan pa ng "media." Sa halip na makisawsaw sa mga ganoong klaseng isyu, bakit hindi na lang sila maghanap ng ibang balita, mas "newsworthy" at mas kailangang malaman ng mga tao.


       Sapagkat, ang isang pagkakamali ay hindi naman kayang itama ng isa pang pagkakamali. Sa halip na maayos ang problema, mas lumala pa.

2012-09820 (1)

No comments:

Post a Comment