Ang video na ito na napanuod ko sa Youtube ay
naglalayong maging mapagmatyag ang mga botante noong nakaraang 2010 eleksyon
para sa pagkapresidente. Dahil sa seryosong topic na nakapaloob sa video at sa
graphics ng screen ay aakalain ng isang pangkaraniwang mamamayan na news ito
kahit pa ito ay animated.
Maganda ang hangarin ng naturang video subalit hindi
kaaya-aya ang pagpapangalan sa mga kandidatong halimbawa nito ng hindi
karapatdapat sa posisyon ng pagkapresidente. Una, sinabi ng “reporter” sa video
na ang media exposure ng mga kandidato ay paraan nila ng pambobola at hindi
lamang para mangampanya. Kaya naman, ang mga kandidatong may pambayad sa
advertisement ang laging nangunguna sa mga binoboto ng publiko. Nabanggit din sa
video ang patuloy na pagkakaroon ng political dynasty kung saan ipinapasa sa
kamag-anak ng mga politiko ang posisyon para hindi mawala ang kanilang mga
koneksyon. Pati ang pagtitiwala ng mga botante sa mga kandidatong dating
artista ay binatikos din. Nasabi sa video na wala raw kakayahan ang mga artista
sa pagpapatakbo ng bansa.
Matalinong mungkahi ang ibinigay sa video na
magkaroon ng criteria o panuntunan sa pagpili at pagboto ng isang kandidato.
Nasabi dito na kailangan natin ng presidenteng may matatatag na pamumuno,
kongkretong plano kung paano niya mapapalakad ang bansa, integridad laban sa
pangungurakot at pandaraya, sapat na kaalaman para maglunsad ng mga proyektong
kailangan sa pag-unlad, at abilidad sa pakikipagkomunikasyon sa iba pang bansa
tungkol sa siguridad at ekonomiya ng ating bansa.
Ang kampanyang ito ng website na www.GETREALPHILIPPINES.COM,
ayon na rin sa video, ay ginawa
upang hindi maging beauty contest ang election at para maging matalino sa
pagpili ang lahat ng mamamayang maaaring makapanood ng nasabing video. Nasabi
rin dito na hindi na maganda ang lagay ng ating kalikasan kaya dapat na
magbawas ng populasyon upang maging mas magaan ang pamumuhay ng mga susunod na
henerasyon na hindi na dapat makakalanghap ng ganitong klase ng polusyon.
Kung ako ang tatanungin, napakaganda sana ganitong
klase ng pagbibigay kaalaman sa masa ngunit mas magiging maganda at patas pa
sana kung hindi pinangalanan ang mga nasabing pulitiko. Kung ako ang gagawa ng
hawig sa ganitong klase ng pagpapayag na may kaparehong layunin, pipiliin kong
hindi pangalanan ang mga kandidato at hindi gawing news format ang kabuuan nito. Malinaw dapat sa lahat ng
makakapanood ng video na isang paalala o advisory
at hindi balita ang video upang hindi magdulot ng pagkalito o pagmumukhang paninira
sa mga nabanggit na kandidato para maging patas sa lahat ng kandidato. Maaari
din namang kunan ng komento ang mga nabanggit na kandidato sa mga aligasyon
patungkol sa kanila kung news at hindi advisory ang ipapahayag sa video na ito.
2012-51417
(2)