Showing posts with label 2012-67513. Show all posts
Showing posts with label 2012-67513. Show all posts

Sunday, December 7, 2014

Two Wives, Too Much

Pangalan pa lang ng programa, may problema na. Para bang nagdudulot ito ng masidhing imahinasyon kung tungkol saan ba ito. Oo, nakakakuha ito ng atensyon, pero etikal ba na ipalabas ang ganitong mga programa?

Ipinalalabas tuwing alas-nuebe ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes ang programang “Two Wives” na pinagbibidahan nina Erich Gonzales, Kaye Abad at Jason Abalos. Matatandaang pumatok sa mga manonood ang mga programang may temang agawan ng asawa. At sa ngayon, patuloy pa rin ang pagpapalabas ng mga estasyon ng ganitong mga tema. Maraming dapat isaalang-alang kung gagawa o magpapalabas ng ganitong mga programa.

Napakasensitibo para sa akin ng mga ganitong tema ng palabas. Higit pa rito ay nagbubukas ito ng isang malaking tanong sa mga manonood. Ano ba talaga ang tama? Tama ba na gawin ang lahat para sa pag-ibig kahit na mali na ito? Ang tema ng programang “Two Wives” ay tungkol sa relasyon ng isang babaeng na-inlove sa lalaking may asawa na.


“Kabit”, naging matunog ang salitang ito matapos ipalabas ang mga pelikulang No Other Woman, A Secret Affair at marami pang iba. Ngunit malinaw na naipahayag sa dulo ng mga pelikulang ito na kahit kailan ay walang magandang kahahantungan ang pagiging kabit. Papasok na rin dito ang katatapos lamang na palabas na The Legal Wife kung saan parehong tema ang iprinesenta. Naging malinaw naman sa dulo ng mga palabas na ito na hindi tanggap ng lipunan ang pakikiapid sa may asawa. Ngunit hindi kaya dahil sa paulit-ulit na pagpapalabas ng mga ganitong programa ay maging bukas ang mga taong nakakapanood sa mga ito sa ganitong klase ng relasyon?

“Two Wives”, kung ipapasa-korte ay mapapatawan ka ng kasong Bigamy. Maling-mali ito dahil sa Pilipinas, hindi pinapayagan ang Bigamy maliban sa mga Muslim at iba pang relihiyon. Hindi ba’t titulo pa lang ng programa ay mali na? Bakit pa ito ipapalabas? Para ipakita sa mga tao na mali ito? Oo, maaaring isang dahilan ‘yun. Pero bakit kailangang ulit-ulitin pa? 

       Nilalabag ng programang ito ang Article 24 Section 1 ng KBP Broadcast Code (CRIME AND VIOLENCE - Crime and violence and other acts of wrongdoing or injustice shall not be presented as good or attractive or beyond retribution, correction or reform) kung saan nagsasabing hindi dapat tinuturuan ang mga manonood na gawin ang mali. Isa itong paglabag hindi lamang sa Code of Ethics kundi sa Sampung Utos ng Diyos. Bawal maki-apid. Sa palabas na ito, kitang-kita kung paano magtaksil ang lalaki sa kanyang asawa habang kasama nito ang kanyang kabit. Tinuturuan nito ang manonood kung anu-ano ang mga pwedeng gawin ng lalaki para maitago ang kanyang kabit sa kanyang tunay na asawa.

        Ipinapakita rin sa palabas na ito kung paanong ang dating kabit ay siyang naging babaeng pumalit sa asawa noong sila’y naghiwalay na. Na ang kabit ang nagwagi dahil napaghiwalay niya ang mag-asawa. Tinuturuan ng programang ito ang mga babaeng nasa ganitong sitwasyon kung paanong mapaghihiwalay ang mag-asawa.

       Maaaring magandang ipalabas ito upang turuan ang mga manonood - turuan ang mga babaeng lumaban para sa kani-kanilang mga asawa. Pero sapat na siguro ang dalawa o tatlong programa. Hindi na kailangang ulit-ulitin pa ito dahil sa paulit-ulit na pagpapalabas dito, mas nakukunsinte ang mga manonood na gawin ito.


2012-67513 (2)

Tuesday, November 25, 2014

GGV: No Golden Rule?

Isa na siguro sa pinakamasakit na mangyari ay ang mapahiya ka sa harap ng maraming tao. Eh ano pa kaya kung sa buong Pilipinas at buong mundo mangyari sa iyo ito?

Marami sa mga komedyante ngayon ang patok na patok sa telebisyon. Nariyan sina Ai-ai de las Alas, Eugene Domingo at marami pang iba. Pero kung tatanungin siguro natin ang bawat Pilipino kung sino ang pinakasikat na komedyante ngayon, isa lang ang isasagot nila. Si Vice Ganda. Hindi lingid sa ating kaalaman ang istorya ng buhay ng komedyanteng ito. Sumikat siya dahil sa pagpupursigi niya at ang kanyang kakaibang talento sa pagpapatawa. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, tama bang purihin siya sa pamamahiya sa mga tao?

Oo, parte ito ng kanyang pagpapatawa. Oo, kailangang hindi KJ. Oo, kailangang open-minded. Pero hindi ba’t masakit sa pakiramdam ang mapag-tawanan at mapagtripan ka sa harap ng maraming tao? Kitang-kita ang maling gawaing ito ni Vice Ganda o Jose Marie Viceral sa kanyang programang ‘Gandang Gabi Vice’. Rated SPG ang mga episodes kung minsan dahil may mga malalaswa at sensitibong tema itong ipinalalabas.

Sa programang ito malayang nagagawa ni Vice Ganda ang lahat ng anumang gustuhin niya. Mula sa kasuotan na kung minsan ay hindi na maganda sa paningin, sa mga dance at song numbers at pati na rin sa mga guests niya sa programa, siya ang namimili. Hindi mawawala sa GGV ang pag-tripan si Neggy. Si Neggy ang kanyang assistant/friend/pet. Pangalan pa lang, nakakainsulto na. Palagi siyang pinagtatawanan ni Vice Ganda dahil sa kanyang itsura. Ito ay isang paglabag sa Article 22 ng KBP Broadcast Code (ARTICLE 22 - DISCRIMINATION, A person’s race, religion, color, ethnicity, gender, and physical or mental disability shall not be used in a way that would embarass, denigrate, or ridicule him) kung saan sinasabing hindi tayo dapat mang-discriminate ng tao ayon sa kanyang relihiyon o lahi. Malinaw na malinaw ang paglabag na ito ni Vice. Kahit naman sino ay hindi dapat minamaliit dahil lang sa itsura nito. Nagiging katatawanan tuloy si Neggy dahil sa kanyang itsura. Paglabag din ito sa Sec 3 ng nasabing article (Name-calling and personal insults are prohibited).

 Isa pang hindi magandang gawain ni Vice sa kanyang programa ay ang pagsusuot ng malalaswang mga kasuotan sa telebisyon. Minsan ay mahirap pang tignan ang mga kasuotang ito ni Vice dahil kadalasan ay malaswa ito. Isa rin itong paglabag sa Article 28 Section 1(ON-AIR DECORUM - Persons who appear in entertainment and variety progras such as hosts, emcess, talents, guests, participants, and audiences, espeially in live shows, shall be decently attired and behave in a way that is considered appropriate in public based on the standards of the community where the programs are aired) kung saan sinasabing dapat ay presentable ang isang host o guest paglabas sa telebisyon.

Pang-huli, marami sa mga sinasabi ni Vice sa programang ito ay may double-meaning. Minsan, may kabastusan na ito at kung minsan naman ay patama naman ito sa isang tao. Maling-mali ang gawaing ito. Maaaring ma-mislead niya ang mga tao sa mga ganitong uri ng joke. Paglabag din ito sa Article 25 Section 5 ng KBP Broadcast Code (SEX, OBSCENITY AAND PORNOGRAPHY - Offensive, obscene blasphemous, profane, and vulgar double meaning words and phrases are prohibited, even if understood only by a segment of the audience) kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasabi ng mga double-meaning o may ibang deinisyong salita.

Sa bawat tawang naibigay ni Vice Ganda sa atin, ilang kalungkutan kaya ang kapalit? Sa bawat halakhak natin, ilang tao kaya ang naiinsulto? Sa bawat pagsang-ayon natin sa kanyang mga sinasabi, ilang taong nasasaktan kaya ang katumbas? Hindi masamang magpasaya ng tao. Basta’t wala tayong nasasaktan at natatapakang pagkatao, magiging tama ito. Tandaan lamang ang Golden Rule, kung ayaw mong mangyari sa iyo, huwag mong gawin sa iba.


2012-67513

(Editor's note: It would have been better if specific episodes or scenes were identified as examples of the show/host's violations.)